
May mga bibig na ginagawang katatawanan ang kapwa, saka magtatago sa likod ng salitang biro kapag pinanagot. Sa mundong kayang gawing viral ng ilang pindot ang isang mapanakit na pahayag, tila mas mabilis kumalat ang panghuhusga kaysa pag-unawa.
Aminado akong may mga pagkakataong natawa rin ako sa mga birong naririnig ko, ngunit habang tumatanda ako, mas nauunawaan kong hindi lahat ng nakatatawa ay nakatutuwa, at hindi lahat ng pinagtatawanan ay dapat gawing katatawanan.
Ang kontrobersiyang kinasasangkutan ng Machong Chismisan at ni Josh Aquino ay hindi lamang tsismis na sumobra; isa itong salamin ng lipunang tila unti-unting namamanhid sa sakit ng iba, basta may mapagtawanan.
Umani ng matinding batikos ang podcast matapos ang mga mapanirang komento tungkol kay Josh, anak ni Kris Aquino na nasa autism spectrum. Sa halip na kilalanin ang kaniyang dignidad bilang isang indibidwal, ginawa siyang puntirya ng mga salitang nakabababa ng pagkatao.
Hindi ko maiwasang isipin kung ano ang mararamdaman ko kung ang isang taong mahal ko ang ginawang paksa ng ganitong pangungutya. Paano kung ang isang bagay na hindi naman niya piniling taglayin ang siyang gamitin upang maliitin siya? Hindi kailangang maging magulang ng isang taong may kapansanan upang maunawaan na ang kondisyon ng isang tao ay hindi lisensiyang hamakin siya.
Minsan, sapat na ang isang mapanuyang komento upang magbago ang paraan ng pagtingin ng isang tao sa kaniyang sarili. Naranasan ko na ring maging saksi sa mga birong ipinapasa-pasa na para bang walang nasasaktan, samantalang hindi natin alam kung anong bigat ang dinadala ng taong pinagtatawanan.
May mga ngiting ginagamit upang itago ang hiya, may mga tawang ipinapakita upang hindi mahalatang nasasaktan, at may mga salitang matagal nang nakalimutan ng nagsabi ngunit hindi pa rin mabura sa isip ng nakarinig.
Kaya kapag ginagamit ang kapansanan upang mangutya, hindi ko iyon kayang ituring na simpleng pagpapatawa. Kailan pa naging sukatan ng talino ang kakayahang mang-insulto? Hindi rin dapat gawing panangga ang malayang pagpapahayag.
Totoong may karapatan ang bawat isa na magpahayag ng opinyon, pumuna, at magtanong. Ngunit para sa akin, may malaking pagkakaiba ang matapang na pagpuna at walang-patumanggang panghahamak.
Ang kalayaan sa pagsasalita ay hindi blangkong tseke upang yurakan ang pagkatao ng iba. Maaaring hindi lahat ng nakasasakit na salita ay ilegal, ngunit hindi nangangahulugang makatarungan na ang mga ito. Hindi kailangang sumang-ayon ang lahat sa isang tao, ngunit hindi rin kailangang insultuhin siya upang patunayang hindi tayo sang-ayon.
Ang pagiging malaya sa pagsasalita ay hindi pagiging malaya sa pananagutan.
Nang lumawak ang kontrobersiya, inanunsiyo ng The Pod Network ang pagwawakas ng kontrata nito sa Machong Chismisan, habang iniulat ding ipinatawag ng National Bureau of Investigation ang mga host kaugnay ng usapin.
Hindi nangangahulugan ang imbestigasyon na napatunayan na ang kanilang pagkakasala, kaya nararapat pa ring pairalin ang due process. Gayunman, naniniwala akong hindi dapat basta matapos sa paghingi ng tawad ang ganitong usapin.
Mahalaga ang paghingi ng tawad, ngunit higit na mahalaga ang pag-unawa kung bakit nakapipinsala ang isang pahayag at ang paggawa ng mga hakbang upang hindi na ito maulit. Hindi nabubura ng pagbura sa isang video ang mga salitang narinig na ng libo-libong tao.
Ngunit kung ang mga host ay may pananagutang mag-isip bago magsalita, mayroon din tayong pananagutang mag-isip bago tumawa at magbahagi.
Ilang beses na ba tayong nagbahagi ng isang nakatatawang video nang hindi iniisip kung sino ang maaaring mapahiya? Ilang beses na ba nating pinili ang aliw kaysa pag-unawa dahil mas madaling makisabay sa karamihan kaysa kuwestiyunin ito?
Inaamin kong hindi rin ako perpekto sa ganitong bagay, ngunit naniniwala akong nagsisimula ang pagbabago sa pagkilalang may mga pagkakataong ang pananahimik natin sa harap ng pangungutya ay nagiging pahintulot upang magpatuloy ito.
Hindi lahat ng sikat ay makabuluhan, at hindi lahat ng nakatatawa ay dapat palakpakan. Ang tunay na problema ay hindi ang tsismis mismo, kundi ang paniniwalang maaari itong maging malupit basta nakabalot sa katatawanan.
Ayokong mabuhay sa lipunang kailangang maging matapang ang isang tao upang tiisin ang pangungutya, samantalang hindi kailangang maging maingat ng nangungutya sa kaniyang mga salita.
Hindi kailangang patahimikin ang lahat upang igalang ang kapwa; kailangan lamang nating matutuhan na ang bawat salitang binibitawan ay may taong maaaring tamaan. Kung ang katatawanan ay nangangailangan ng pagyurak sa dignidad ng iba, hindi iyon talas ng isip kundi kakulangan ng paggalang.
Dahil ang bibig na kayang magpatawa ay dapat ding marunong managot, at ang biro na kumikitil sa dignidad ay hindi na biro, isa na itong panghahamak.
Article by Jane Bersamen
