Sistema sa Ilaw ng Kamera

Nakakapagod nang aminin, pero minsan parang hindi na gobyerno ang sentro ng pamahalaan ng Pilipinas kundi isang teleseryeng pumapatok sa entertainment. Kada hearing may bagong drama, linyang mala-komedya, at eksenang mapapaisip ka kung gobyerno pa ba ang pinapanood mo o primetime na palabas na may cliffhanger sa dulo.

Sa loob lamang ng isang linggo, halos kumpleto na ang eksena ng isang action series ng gobyerno. May impeachment. May palitan ng kapangyarihan. May habulan at comeback ng mga karakter na akala mo’y wala na sa eksena. Tapos parang bonus episode pa ang putukan sa loob ng Senado. Kulang na lang ipalabas sa blockbuster dahil patok na patok naman sa manonood.

Noong Mayo 11, muling inimpeach ng House of Representatives si Vice President Sara Duterte matapos makakuha ng 257 boto—lampas sa one-third requirement ng Konstitusyon, at indikasyon ng malakas na political consensus. Sa ilalim ng 1987 Constitution, sapat ang ganitong bilang upang umusad ang kaso sa Senado para sa paglilitis.

Pero sa halip na maging sentro ang usapin ng pananagutan, mabilis itong natabunan ng ibang eksena.

Dahil sa parehong araw, matapos ang anim na buwang pagkawala sa palabas dahil sa diumanong arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC), biglang may character comeback si Senador Bato dela Rosa—galit, tensyonado, at nagmistulang bidang hinahabol sa action movie matapos umanong harangin ng National Bureau of Investigation (NBI) habang papasok sa Senado.

Sa social media, naging meme agad ang eksena. Katawa-tawa. Pero nakakahiya, nakakagalit, at nakakayamot. Ito ba talaga ang hitsura ng gobyernong dapat ay nagbibigay ng dignidad sa bansa? Tagapagbatas na tumatakas sa batas.

Pagkatapos ng eksena ng habulan, mas lalo pang naging surreal ang lahat nang bigyan ng Senado si Bato ng “protective custody,” na para bang biglang naging safehouse ang institusyong dapat sana’y simbolo ng paglilitis at independiyenteng deliberasyon.

Sa kaparehong araw din, sa gitna ng nalalapit na impeachment trial, nagkaroon ng biglaang pagbabago sa liderato ng Senado. Isang galaw na hindi maihihiwalay sa dynamics ng impeachment court. Dahil ayon sa Konstitusyon, kailangan ng two-thirds na boto, o 16 sa 24 na senador, upang mahatulan ang isang opisyal. Ibig sabihin, sapat na ang siyam boto upang harangin ang conviction.

Sa ganitong matematika ng kapangyarihan, hindi na katotohanan ang pinakamahalaga—numero na.

Kung tutuusin, hindi na bago ang ganitong eksena sa pulitika ng Pilipinas. Mula pa noong mga nakaraang administrasyon, ilang impeachment na rin ang nauwi sa political bargaining kaysa sa malinaw na paghahanap ng pananagutan. Ngunit sa bilis at sabay-sabay na paglutang ng mga pangyayari ngayon, mas lantad ang pagiging theatrical ng sistema.

At parang kulang pa, nakunan din ng medya ang kaguluhan sa Senado dahil sa sunod-sunod na gunshots sa loob ng Senate Building noong Mayo 13. Isang eksenang hindi mo inaasahang maririnig sa balita tungkol sa isang institusyon na dapat simbolo ng deliberasyon.

Kanino bang panaginip ‘to? Sa dami ng nangyayari, hindi mo na alam kung totoo pa ba. Sa gitna ng krisis sa bansa, parang may sariling mundo ang mga nasa taas. Isang mundong sari-sari ang plot twist na para bang may writer na nagsusulat ng istorya nila. At doon lalo nagiging katawa-tawa: sa sobrang daming eksena, nagmumukha na itong parody ng sarili nitong sistema.

Sa puntong ito, mahirap nang sisihin ang mga Pilipinong ginagawang coping mechanism ang memes ng gobyerno. Dahil paano mo pa seseryosohin ang isang sistemang paulit-ulit na na pinagmumukhang katawa-tawa ng sarili nito?

Ang Senado, na dapat sana’y tahanan ng matalinong debate at maingat na paggawa ng batas, ay nagmistulang set ng teleserye na ang script ay sinusulat depende kung sino ang may hawak ng liderato. Hindi na prinsipyo ang bida kundi political survival na. Walang saysay ang “katotohanan” kung hawak mo naman ang numero.

At habang abala sila sa pagpapalit ng puwesto, pagbuo ng alyansa, at paggawa ng content para sa kanilang political theatrics, tayong mga Pilipino ang naiiwang nakatutok sa panibagong episode ng iisang palabas—paulit-ulit, pamilyar, at nakakapagod nang sundan.

Sa bansang ito, hindi na kailangan ng entertainment, dahil ang mismong realidad ang marunong magsulat ng pinaka-magulong ngunit kinakaadikang istorya na tayo ang naiiwang manonood—hindi dahil pinili natin, kundi dahil wala tayong ibang pagpipilian, dahil tayo rin ang nagbabayad sa produksyong hindi natin kailanman kinontrol.

Column by James Magayon