Class Suspension
Graphics by Zean Dellera

Alas-siete ng gabi. Tahimik na ang buong campus. Wala ni isang estudyanteng nagmamadaling umuwi, walang tawanan o yabag sa pasilyo. Kaninang umaga pa lang ay nagdeklara na ng class suspension dahil sa malakas na lindol na yumanig sa siyudad. Ang mga ilaw sa ilang gusali ay patay pa rin, at ang hangin ay may dalang amoy ng alikabok at semento. Si Mang Lando, ang bagong guwardiya, ay kailangang mag-inspeksyon ng bawat building bago siya makalabas.

Bitbit niya ang flashlight habang tinatahak ang daan papuntang Building C—ang pinakamatandang gusali sa campus, may mga bitak pa sa pader mula sa lindol. Nang marating niya ang ikatlong palapag, may narinig siyang mahihinang tunog, chhhk…
chhhk… Tunog ng chalk na dumudulas sa pisara. Sinundan ito ng mga tawa ng estudyante, at isang tinig ng guro na tila nagtuturo. Napakunot-noo siya at napatanong sa sarili, “Hindi ba’t kanselado ang lahat ng klase?”

Lumapit siya sa Room 34. Sa loob, sa malabong liwanag ng fluorescent, nakita niya ang isang klase. Kumpleto: guro sa unahan, estudyante sa mga upuan, nakayuko, nagsusulat. Parang walang nangyaring lindol. Kumatok siya, marahan. Walang lumingon. Tinawag niya, “Ma’am, sarado na po ang building!” Biglang tumigil ang guro sa pagsusulat. Dahan-dahan itong humarap. Pero bago pa niya makita nang malinaw ang mukha, may malamig na kamay na tumapik sa kanyang balikat.

Paglingon niya, si Mang Turing pala, ang janitor. Namumutla, nanginginig. “Nakausap mo?” tanong nito, paos ang boses. “Oo,” sagot ni Mang Lando, “may klase pa raw.” Umiling si Mang Turing, halatang takot. “Wala nang nagkaklase diyan, iho.”

Paglingon muli ni Mang Lando sa bintana, madilim na ang silid. Wala na ang guro, wala ang mga estudyante, wala kahit liwanag. Parang hindi kailanman may nangyaring klase roon.

“Anong ibig mong sabihin, Mang Turing?” mahinang tanong niya. Tahimik muna ang matanda bago sumagot. “Siyam na taon na ang nakakalipas mula nang gumuho ang ceiling ng kuwartong ‘yan habang may klase. Lahat sila, nalunod sa alikabok bago pa dumating ang tulong. Simula noon, tuwing may class suspension dahil sa lindol, bumabalik sila. Parang gusto pa nilang tapusin ang klase na hindi nila natapos.”

Dahan-dahan nilang sinara ang pinto ng Room 34. At mula sa loob, kasabay ng mahinang pagyanig ng aftershock, maririnig nilang sabay-sabay na bumigkas ng: “Present po.”

Literary by Renzaissance