
Dibuho Agilis Capon
“Ano ang gusto mo maging paglaki mo?”
Iyan ang tanong na madalas marinig sa loob ng silid-aralan—isang payak na tanong na paulit-ulit na itinatanong ng mga guro sa kanilang mga estudyante habang tinutulungan silang tuklasin ang mga pangarap na nais nilang abutin. Kasi minsan, sa isang guro talaga nagsisimula ang lahat.
“Ako po, pulis.”
“Ako po, engineer.”
“Ako po, gusto kong maging tulad ninyo.”
Sa dami ng pangarap na binibigkas ng mga bata, may isang tanong na kadalasang naiiwan—kung ang guro ang nagtuturo kung paano abutin ang mga pangarap, sino kaya ang nagbigay-inspirasyon sa gurong may sariling pangarap?
Si Engr. Mharc Jonaelle Son, faculty ng Chemical Engineering Department ng Eastern Visayas State University (EVSU) – Main Campus, ay minsan ding naging estudyanteng naghahanap ng sagot sa tanong na iyon. Hindi niya kailanman inasahang ang pagtuturo pala ang magiging landas na tatahakin niya.
Noong siya ay estudyante pa, hindi niya nakikitang magiging guro siya balang araw. Sa halip, hinahangaan lamang niya ang mga gurong tila kayang himayin ang mahihirap na konsepto hanggang sa maging malinaw ang mga ito.
Para sa kanya, ang mga guro noon ay parang mga taong laging may sagot sa dulo ng isang mahirap na tanong—mga taong maaaring lapitan kapag may konseptong hindi maunawaan at handang magpaliwanag hanggang sa tuluyang luminaw ang ideya sa isip ng isang estudyante.
Hindi kailanman sumagi sa kanyang isip ang magturo. Marahil, dahil tulad ng ibang estudyante, marami rin siyang pag-aalinlangan kung kaya ba niyang humarap sa ganitong responsibilidad.
Ngunit iba ang naging takbo ng tadhana.
Nagsimula ito sa simpleng hangaring makatulong sa kaniyang mga kaklaseng nahihirapan sa mga aralin. Sa una, hindi siya kumbinsidong mahusay siyang magpaliwanag. Ngunit nang makita niyang nauunawaan na ng kaniyang kaklase ang isang araling dati nitong nahihirapan, nakaramdam siya ng kakaibang saya—isang maliit ngunit makabuluhang pakiramdam na may naitulong siya.
Sa pangyayaring iyon, unti-unting namulat ang kaniyang isipan na kaya pala niyang magturo. Sa likod ng kaba at pag-aalinlangan, may apoy na unti-unting sumiklab sa kaniyang puso upang subukan ang pagtuturo.
At sa kabila ng kaniyang narating ngayon, hindi niya nakakalimutan ang gurong tumulong humubog sa kaniyang pananaw bilang isang guro.
Si Engr. Myrna Ambe, isang chemical engineer at dati niyang guro sa Chemistry noong Senior High School, ang isa sa mga taong naging pinakamalaking impluwensya sa kaniyang buhay.
Pero sa alaala ni Engr. Son, hindi madaling maging estudyante ni Engr. Ambe.
Ang kaniyang mga quiz at pagsusulit ay sapat upang pagpawisan ang isang estudyante kahit naka-double air-conditioning pa ang silid. Sa likod ng mahigpit na guro sa loob ng silid-aralan ay isang taong marunong magbigay ng tiwala sa labas nito.
Para kay Engr. Son, ang pakikipag-usap kay Engr. Ambe ay parang pakikipag-usap sa isang matalinong lola—isang taong nagtataglay ng malalim na karunungan at buong pusong naniniwala sa kaniya.
Noong una, hindi pa siya kumbinsidong kunin ang Chemical Engineering. Marami siyang naririnig tungkol sa hirap ng kurso at sa mga hamong kaakibat nito.
“Kakayanin ko ba?”
Maikli man ang tanong, dala nito ang bigat ng isang estudyanteng hindi pa sigurado kung sapat ang kaniyang kakayahan.
Ngunit sa gitna ng pagdududa, may isang taong naniniwala.
Sa mga salitang binitiwan ni Engr. Ambe, tila naging mas malapit ang posibilidad na dati ay parang napakalayo. Unti-unti, nabawasan ang kaniyang pag-aalinlangan at nagkaroon siya ng lakas ng loob na tahakin ang landas na dati niyang kinukuwestiyon.
Hindi man niya noon lubos na alam kung saan siya dadalhin ng kaniyang mga desisyon, may isang bagay siyang unti-unting natutunan: minsan, kailangan mo munang may maniwala sa iyo bago mo matutunang maniwala sa sarili mo.
Ngayon, habang tumutulong siyang humubog sa mga susunod na inhinyero, dala pa rin ni Engr. Son ang alaala ng gurong unang naniwala sa kaniya—bago pa man siya tuluyang maniwala sa sarili niya.
Ngunit hindi lamang tungkol sa mga aralin at konsepto ang kaniyang natutunan bilang guro. Natutuhan din niyang hindi pare-pareho ang pinanggagalingan ng bawat estudyante.
Dahil dito, dalawang aral ang patuloy niyang dala sa kaniyang pagtuturo.
Una, “show up for yourself.”
Para sa kaniya, ang pagpapakita para sa sarili ay hindi nangangahulugang kailangang ipilit ang sarili sa lahat ng pagkakataon. Hindi kailangang maging perpekto ang bawat hakbang. Ang mahalaga ay patuloy kang sumusubok.
Ikalawa, “slow down when things become overwhelming.”
Kung ang kailangan mo ay pahinga o tulong, bahagi rin iyon ng pagiging responsable sa sarili. Doon niya higit na nauunawaan na mahalaga ang disiplina, ngunit mahalaga rin ang pahinga, suporta, at pagkilala kung kailan nagiging sobra na ang bigat.
Marahil, sa likod ng bawat guro ay isang kuwentong nagsimula bilang estudyante—nagtatanong, nagdududa, at nahihirapan. Ngunit sa likod din ng bawat guro ay maaaring may isang gurong minsang naniwala sa kaniya.
Ang isang mabuting guro ay hindi lamang nagtuturo; nagbibigay din siya ng liwanag at saysay sa mga pangarap na minsang pinagdudahan ng isang estudyante.
Sapagkat bago naging guro ang isang guro, isa rin siyang batang nangarap at nangailangan ng gabay. At sa bawat kaalamang ipinapasa niya, naipapasa rin ang tapang na maniwala sa sariling kakayahan.
Sa huli, maaaring hindi na maalala ng isang guro ang bawat estudyanteng kaniyang naturuan. Ngunit maaaring may isang estudyanteng hindi kailanman makalimot sa gurong unang naniwala sa kaniya.
Maligayang Araw ng mga Guro sa mga gurong patuloy na bumubuo at nagbibigay-buhay sa mga pangarap ng bawat estudyante.
Lathalain ni Latasha Espayos
